Pahayag 4 & 5 (Magandang Balita Biblia)
![]() |
Click photo to watch LIVE!!! |
Pananambahan sa Langit
Pagkatapos kong masaksihan ang mga bagay na ito, nakita ko sa langit ang isang bukás na pinto.
At narinig ko ang tinig na parang tunog ng isang trumpeta, na ang sabi sa akin, “Umakyat ka rito, at ipapakita ko sa iyo kung ano pang mga mangyayari pagkatapos nito.” 2 At agad akong napuspos ng Espiritu, at nakita ko sa langit ang isang trono at ang isang nakaupo roon. 3 Ang anyo niya'y maningning na parang mahahalagang batong jasper at kornalina. May isang bahagharing nagniningning na parang esmeralda sa palibot ng trono. 4 Nakapaligid naman dito ang dalawampu't apat pang trono na sa bawat isa'y may nakaupong matanda na nakadamit ng puti at may koronang ginto sa ulo. 5 Mula sa trono ay gumuguhit ang kidlat, kasabay ng mga ugong at mga kulog. Sa harap ng trono ay may pitong nagniningas na sulo; ito ang pitong espiritu ng Diyos. 6 Sa harap ng trono ay may tila dagat na salamin na sinlinaw ng kristal.
Sa apat na panig ng trono ay may apat na buháy na nilalang, na punung-puno ng mga mata sa kanilang harap at likod. 7 Ang unang buháy na nilalang ay katulad ng leon; katulad naman ng baka ang pangalawa; tulad sa mukha ng tao ang pangatlo; at katulad naman ng agilang lumilipad ang pang-apat. 8 Ang bawat isa ay may tig-aanim na pakpak, at punung-puno ng mga mata sa harap at likod. Walang tigil ang kanilang pag-awit araw at gabi,
“Banal, banal, banal, ang Panginoong Diyos na Makapangyarihan sa lahat,
na siyang nakaraan, kasalukuyan, at darating.”
9 Tuwing umaawit ng pagluwalhati, parangal at pasasalamat ang apat na buháy na nilalang sa nakaupo sa trono, na nabubuhay magpakailanman, 10 ang dalawampu't apat (24) na matatandang pinuno naman ay nagpapatirapa sa harap ng trono at sinasamba ang nakaupo doon, ang nabubuhay magpakailanman. Inilalagay nila ang kanilang korona sa harap ng trono, at sinasabi,
11 “Aming Panginoon at Diyos!
Karapat-dapat kang tumanggap ng kaluwalhatian, karangalan, at kapangyarihan;
sapagkat ikaw ang lumalang sa lahat ng bagay,
at ayon sa iyong kagustuhan, sila'y nagkaroon ng buhay at nalikha.”
Ang Kasulatan at ang Kordero
Nakita ko sa kanang kamay ng nakaupo sa trono ang isang kasulatang nakabalumbon, na may sulat sa loob at labas at sinarhan ng pitong selyo. 2 At nakita ko rin ang isang makapangyarihang anghel na nagtanong nang malakas, “Sino ang karapat-dapat na mag-alis sa mga selyo at magbukas sa balumbon?” 3 Ngunit wala ni isa man, maging sa langit, maging sa lupa o sa ilalim ng lupa,[a] na makapagbukas o makatingin sa nilalaman niyon. 4 Buong kapaitan akong umiyak dahil walang natagpuang karapat-dapat na magbukas at tumingin sa nilalaman niyon. 5 Ngunit sinabi sa akin ng isa sa matatandang pinuno, “Huwag kang umiyak. Tingnan mo! Ang Leon mula sa lipi ni Juda, ang anak ni David ay nagtagumpay at may karapatang mag-alis sa pitong selyo at magbukas sa kasulatang nakabalumbon.”
6 Pagkatapos, nakita ko sa pagitan ng matatandang pinuno at ng tronong napapaligiran ng apat na buháy na nilalang ang isang Korderong nakatayo na ang anyo ay tulad sa pinatay na. Ito'y may pitong sungay at pitong mata na siyang pitong espiritu ng Diyos na ipinadala sa buong daigdig. 7 Lumapit ang Kordero at kinuha ang kasulatang nakabalumbon sa kanang kamay ng nakaupo sa trono. 8 Nang ito'y kunin niya, nagpatirapa sa harapan ng Kordero ang apat na buháy na nilalang at ang dalawampu't apat (24) na matatandang pinuno. Bawat isa'y may hawak na alpa at may gintong mangkok na punô ng insenso na siyang mga panalangin ng mga hinirang ng Diyos. 9 Inaawit nila ang isang bagong awit:
“Ikaw ang karapat-dapat na kumuha sa kasulatang nakabalumbon
at magtanggal sa mga selyo niyon.
Sapagkat pinatay ka, at sa pamamagitan ng iyong dugo ay tinubos mo ang mga tao para sa Diyos,
mula sa bawat lahi, wika, bayan at bansa.
10 Ginawa mo silang isang lahing maharlika at mga pari na itinalaga upang maglingkod sa ating Diyos;
at sila'y maghahari sa lupa.”
11 Tumingin akong muli at narinig ko ang tinig ng milyun-milyon at libu-libong anghel. Sila'y nakapaligid sa trono, sa apat na buháy na nilalang at sa matatandang pinuno. 12 Umaawit sila nang malakas,
“Ang Korderong pinatay ay karapat-dapat
tumanggap ng kapangyarihan, kayamanan, karunungan, kalakasan,
kaluwalhatian, papuri at paggalang!”
13 At narinig kong umaawit ang bawat nilikhang nasa langit, nasa lupa, nasa ilalim ng lupa at nasa dagat, lahat ng mga naroroon,
“Sa nakaupo sa trono, at sa Kordero,
ang papuri at karangalan, kaluwalhatian at kapangyarihan,
magpakailanman!”
14 At sumagot ang apat na nilalang na buháy, “Amen!” At nagpatirapa ang matatandang pinuno at nagsisamba.
0 Comments